Hope of Glory

 IKALAWANG LINGGO NG KWARESMA


First Reading: 1 Gn 12:1-4
Responsorial Psalm: Ps 33:4-5, 18-19, 20, 22
Second Reading: 2 Tm 1:8b-10
Gospel: Mt 17:1-9
Theme: Pagpili, Pagbago, Pag-asa 

Ngayong Ikalawang Linggo ng Kwaresma, ating pagninilayan ang Pagbabagong-anyo ni Hesus sa Bundok ng Tabor. Ang pangyayaring ito ay minsan lamang naganap subalit nagpapatuloy ang pag-babagong ito sa mga buhay ng ibang tao na binago ni Hesus. Sa mataaas na bundok na ito, nakita ng tatlong alagad ang natatagong kaluwalhatian ni Hesus sa kanyang pagkatao, ngunit ito naman ay ganap na mabubunyag sa kanyang muling pagkabuhay. Kaya naman ating pagnilayan ang mabuting balita sa pamamagitan ng mga aral na ating matutunan.


Ang unang aral ay ang pagpili ni Hesus sa tatlong alagad. Sina Pedro, Juan, at Santiago ang pinili ni Hesus para matunghayan ang kaluwalhatian ni Hesus. Dinala sila ni Hesus sa isang mataas na bundok, na nagsisimbulo ng pagiging malapit sa Diyos. Pinili ba sila ni Hesus dahil sila ang pinakabanal o masunurin? Hindi. Subalit, si Pedro ay nagkulang sa hustong pag-unawa sa misyon ni Hesus, kaya tuloy napagsabihan siya ni Hesus at natawag pa nga siyang “Satanas”. Mapusok siyang nangako ng katapatan kay Hesus, subalit sa sandali ng pagsubok ay siya naman pala ang unang magtatatwa kay Hesus. Ang magkapatid namang Santiago at Juan ay nag-agawan sa posisyon sa kaharian, kaya’t napagsabihan din sila ni Hesus. Ito ay nagsasabi sa atin na sila at tayo ay pinipili hindi ayon sa ating kakayanan ngunit, sa Kanyang plano ng pag-ibig. Ang Kanyang pagmamahal sa atin ay walang hanggan, walang kondisyon, kusang pagpili ng Diyos at pagmamahal na walang hinihinging kapalit. 


Ang pangalawang aral ay pagbabagong-anyo ni Hesus. Sa kanyang pagbabagong-anyo, nasasaad sa Ebanghelyo na Siya ay nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuti parang busilak ang kanyang damit. Ito ang deskripsyon ng ating hinahangad sa kabilang buhay- na masilayan natin ang mukha ng Diyos na bumubuo ng ating buhay. Ang maluwalhating pagbabago ni Hesus ay nagpapahiwatig sa atin na maging instrumento tayo ng pagbabago sa kapwa tao at si Hesus lamang ay ang ibibigay. Ang ating relasyon sa Diyos bilang mga anak ng Diyos ay dapat kumakalat sa iba pang hindi nakakakilala sa Kaniya. Si Hesus ang ating modelo sa ating paglalakbay ngayong Kwaresma. Tayo’y manalangin sa bundok ng pagbabago at hayaan natin si Hesus na baguhin tayo para ipamalas sa iba ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan.


Ang ikatlong aral ay ang pag-asa na taglay ng Pagbabagong- anyo ni Hesus. Bagaman isang kisapmata lamang ang karanasang ito, naging bukal ito ng panibagong tapang at lakas para sa mga alagad upang magpatuloy sila sa mahirap na landas ng krus ni Kristo at ng krus ng sarili nilang buhay. Ito at nagbibigay ng kaliwanagan sa ating buhay na ang krus at kahirapan ng buhay ay hindi maiiwasan. Ito ay isang pamamaraan ng Diyos na umasa tayo sa Kanya at kumapit lamang tayo sa Kanya sa gitna ng krus ng buhay. Kaya naman, ating pakinggan si Hesus, habang sinasabi ng Diyos Ama, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Ipinapakita sa atin ang kahalagahan ng pagiging masunurin sa kalooban ng Panginoon, lalung-lalo na sa patuloy na pakikinig sa kanyang Anak sa pagsasabuhay natin sa Banal na Salita.


Samakatuwid, ang pagpili ni Hesus sa tatlong alagad, pagbabagong-anyo ni Hesus at ang pag-asa na taglay nito ay nagbibigay sa atin ng inspirasyon para sundin at umasa sa Diyos na pinipili tayo at binabago tayo nang sa gayon maligayang maghari ang kalooban ng Diyos sa mundo. 

Popular Posts