Kristong Hari

DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGKAHARI NG PANGINOONG HESUKRISTO SA SANLIBUTAN

First Reading: Ez 34:11-12, 15-17
Responsorial Psalm: Ps 23:1-2, 2-3, 5-6
Second Reading: 1 Cor 15:20-26, 28
Gospel: Mt 25:31-46

Theme: Pagkilala, Pag-aalay, Pagbibigay

Bilang pagtatapos ng huling linggo ng kalendaryo ng simbahan, binabalik tanaw ng simbahan para sa mga mananampalataya na si Kristo ang tunay na hari ng sanlibutan. Ang kapistahang ito ay itinatag ni Papa Pio XI noong 1925 bilang tugon sa mga umuusbong na ideolohiya katulad ng sekularismo, kapitalismo, komunismo, at sosyalismo. Ito ay nagpapahayag na ang ating Panginoong Hesukristo ay ang modelo ng kapayapaan sa kabila ng mga masalimuot na nangyayari. Kaya naman, sa ating Ebanghelyo, isinaad ni Hesus ang kalagayan ng totoong kaharian ng Diyos sa mundo. Ating pagnilayan ang salita ng Diyos sa kanyang pagkilala, pag-aalay, at pagbibigay ng gantimpala. 

Una, inaanyayahan tayo ni Hesus na kilalanin ang presensya ng Diyos sa pinakahamak sa ating paligid. Sinabi ni Hesus, “Nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.” Inilahad ni Hesus ang mga nahihirapan at ang mga walang wala sa buhay. Sinasabi ni Hesus na Siya ay naroroon sa mga iyon. Si Hesus bilang hari ay naging mahirap din sa kanyang pamumuhay. Siya ay nakisalo sa mga makasalanan, mga mahihirap, mga aba. Ang pagkilala kay Hesus sa mga dukha ay nag-uudyok sa atin na si Hesus dapat ang mamayani sa ating puso’t kalooban. Nawa’y si Kristo ang maghari sa ating araw araw na pamumuhay sa pamamagitan ng pagkilala ng presensya ng Diyos sa bawat isa sa atin. Samakatuwid, ang pagkilala sa kapwa bilang kaibigan ng Diyos nakapagbibigay ng tunay na kapayapaan hindi lamang sa komunidad kundi pati na rin sa ating kalooban. 

Pangalawa, inaanyayahan tayo na ialay ang ating buong pagmamahal sa Diyos. Sa ating unang pagbasa at sa salmong tugunan, ating natunghayan ang dakilang pagpapastol ng ating Panginoon. Sinabi ng ating Panginoon, ““Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa…Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang kailangan nilang pagkain.” Tayo naman bilang kanyang mga tupa, hinahandog natin ang ating mga sarili sa kanyang mainam na pastulan. Kung gaano tayo minahal ng ating Panginoon sa pamamagitan ng sakripisyo sa krus, sa ganoong pamamaraan tayo inaanyayahan na maipamalas ang ating pagmamahal sa iba. 

Panghuli, ang Ebanghelyo ay nagpapaalala sa ating gantimpala kapag tayo ay sumunod sa kalooban ng Diyos. Sa muling pagbabalik ni Hesus, pagbubukud-bukurin niya ang mga tupa at mga kambing, ang mga taong sumunod sa kaniya at ang mga sumuway sa kaniya. Ito ay paalala sa atin na sa bawat ginawa nating mabuti at masama sa lupa ay may kahahantungan din. Dito ipinapamalas ng ni Hesus ang kaniyang pagkahari, siya ay makatwiran sa lahat ng bagay. Sinabi ni Hesus, “Nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan” Sa pamamagitan ng mga kawanggawa, tayo’y nagiging regalo sa iba, naipapamalas rin natin ang presensya ni Kristo. Samakatuwid, ang ating pagkilala at pag-aalay ng ating sarili ay maipapamalas sa gantimpala na ating makakamit sa wakas ng panahon. 

Nawa ang ating Panginoong Hesukristo, ang hari ng sanlibutan ay mamayani sa ating pamumuhay na nagsasabi sa atin ”Nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa…nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”

Popular Posts