Man's Thirst for Truth
Theme: Pag-igib, Pagkauhaw, Pagbuhay
Ang Mabuting Balita natin ngayong Ikatlong Linggo ng Kwaresma ay nagsasalaysay sa pagtatagpo ni Hesus sa isang Samaritana. Kasama ang Kanyang mga alagad, sila ay naglalakbay at tumigil sa malapit na balon ng Samaria, ang balon ni Jacob. Bilang isang babae at Samaritano, siya ay tinataguriang pagano at mababa sa antas ng lipunan, sa madaling salita, siya itinatakwil ng mga Judio. Ngunit, binalewalang bahala ito ni Hesus nang kusa Niyang kausapin ang Samaritana. Kaya naman ating pagnilayan ang mga pangyayari sa kanilang pagtatagpo.
Una ay ang pagdating ng Samaritana upang umigib ng tubig. Ang pag-igib ng Samaritana ay nagsisimbulo ng kanyang malalim na paghahanap ng bagay na makapupuno ng kanyang buhay. Ang pag-igib ng tubig ay sumisimbolo sa Espirito Santo na ipinagkaloob ng Diyos at ito ay nagpapaalala sa kahalagahan ng tubig. Ano nga ba ang mga kahalagahan ng tubig? Sa isang dako, ang tubig ay mahalagang elemento para mapawi ang pagkauhaw at nagpapanatili ng buhay, sa kabilang banda naman, ito ay sumisimbolo sa Espirito Santo na ipinagkaloob ng Diyos na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Ang pag-igib ng Samarita ay tumutukoy sa paghahanap natin ng kapanatagan at kaganapan ng buhay.
Pangalawa ay ang pagkauhaw ni Hesus at ng Samaritana. Ating masasaksihan na si Hesus ay nagpahinga at nauuhaw. Sa panahon ng Kwaresma pinapaalalahanan tayo na si Hesus rin ay nauuhaw sa atin. Hinitintay lang tayo na bumalik at tumugon sa Kaniyang panawagan para tayo ay manalangin. Nang ibinihagi ni Hesus ang tungkol sa tubig na nagbibigay-buhay na kanyang tinataglay, humingi ang Samaritana nang hindi na siya mauhaw at umigib ng tubig pa. Ang kagustuhan ng Samaritana ng tubig na nagbibigay-buhay ay sumisimbolo sa pagkauhaw sa katotohanan, pagkauhaw sa tunay na pagmamahal. Kung ating susuriin nang maiigi, malalaman natin na ang Samaritana ay nakikiapid at inamin niya ito kay Hesus, inamin niya ang kaniyang kasalanan. Samakatuwid, siya ay naghahangad ng pagpapatawad at ang pagkauhaw niya ay makakapuno ng kaniyang buhay. Kaya’t ipinahayag sa kanya na Siya ang Mesiyas na magliligtas ng sanlibutan, nalalapit na ang oras ng kaligtasan. Nalalaman natin dito na kay Hesus dumadaloy ang Espiritu Santo, ang tubig na nagbibigay-buhay na nagpapadalisay sa kaooban ng tao.
Ikatlo ay ang pagbuhay ng kalooban ng Samaritana. Sa pagtagpo ni Hesus sa Samaritana ay nagpapaalala sa atin na unang gumagalaw ang Diyos para ikaw at ako ay Kaniyang makilala at matagpuan. Binuhay siya ni Hesus at ipinangaral Siya sa kaniyang bayan na nahanap niya ang Mesiyas ang Bugtong na Anak ng Diyos na magliligtas ng sanlibutan. Ang Espiritu Santo ang pagpapalakas ng loob sa kaniya at sa atin para ibahagi at ipangaral ang ating pakikipagtagpo kay Hesus. Sa pamamagitan ng kanyang bigay ng tubig na nagbibigay buhay, tayo’y binubuhay sa realidad ng buhay at mamuhay nang ganap sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kalooban.
Sa Pasyon ni Hesus, ating makikita ang realidad ng tubig na nagbibigay-buhay: sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad lumabas doon ang “dugo at tubig” (Juan19:34). Ating pasiklabin ang Espirito Santa na nananahan sa atin sa pamamagitan ng mga Sakramento na kung saan ang dugo ni Hesus ay patuloy na dumadaloy sa pamamagitan na rin ng panalangin na kung saan tayo ay nakikitagpo kay Hesus na nagbibigay ng kapayapaan at makabuluhang buhay, buhay na walang hanggan sa langit. Ito ay nagpapaalala sa atin na ang tunay na kaganapan ng buhay ay hindi nakikita sa makamundong bagay ng mundo kundi kay Hesus na nagmamahal sa atin, sa pamamagitan ng Kanyang tubig na nagbibigay-buhay na Kanyang binibigay.