Light of Life

   IKAAPAT NA LINGGO NG KWARESMA


First Reading: 1 Sm 16:1b, 6-7, 10-13a
Responsorial Psalm: Ps 23: 1-3a, 3b-4, 5, 6
Second Reading: Eph 5:8-14
Gospel: Jn 9:1-41

Theme: Bulag, Liwanag, Ihayag

Sa patuloy nating paglalakbay ngayong panahon ng Kwaresma, tayo ay binibiyaan ng Diyos ng pagkakataon para magbalik loob sa Kaniya. Ang linggong ito ay tinatawag na Laetare Sunday na kung saan tayo ay pinapaalahanan ng kagalakan na taglay sa rurok ng Kwaresma, ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Kaya naman, ang mga pagbasa natin ngayon ay nagbibigay sa atin ng mabuting balita na ating ikinagagalak- hinirang ng Diyos Ama si Hesus nang sa gayon tayo ay mabuhay nang ganap sa liwanag ni Kristo. Ating pagnilayan ang mga tema ng maaaring nating mapulot sa Ebanghelyo. 


Una ay ang tema ng pagkabulag. Sa paglalakbay ni Hesus, may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag.  Sa konteksto ng mga Judio, ang pagkakaroon ng mga sakit ay resulta ng pagkakasala. Kaya tinanong ng Kaniyang taga-sunod na kung sino ang nagkasala kung siya ba mismo o ang kanyang mga magulang. Sumagot si Hesus at nagsabi na “Ipinanganak na bulag ang lalaking ito, hindi dahil sa nagkasala siya o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos.” Sa isipan ng mga tao, ang sakit o kahirapan ay isang malaking pagdurusa ngunit sa Diyos, ito ay maaaring magbigay ng malalim na kahulugan sa aspeto ng ating pananalig sa Diyos. Sa kabila ng ating pagkadapa, inalok niya ang kanyang mga kamay para tayo ay makaahon. Ang isa pang kahulugan ng pagkabulag ay kasalanan. Ang kasalanan ay bumubulag sa atin sa katotohanan. Dahil dito, may mga pagkakataon na tayo ay lumilihis sa kung ano ang tama o maling desisyon. Makikita natin ito sa magulang ng bulag noong tinanong siya na kung paano siya nakakita muli. Lumihis siya sa pagsagot na si Hesus ang gumaling sa kaniya, dahil sa kanyang takot, iniwasan niya na sabihin ang katotohanan. Ito ang epekto ng kasalanan ang paglihis sa katotohanan.


Ikalawa ay ang tema ng liwanag. Pagkatapos sagutin ni Hesus ang tanong ng mga disipulo, ipinakilala Niya ang Kanyang sarili bilang Liwanag ng sanlibutan. Si Kristo ay pumarito upang iligtas tayo sa kasalanan, ang ugat ng ating pagkabulag. Ating makikita na ang pagkaliwanag na taglay ni Kristo ay maihahati sa dalawa: Pisikal na lebel at Espiritwal na lebel. Pinagaling ni Hesus ang bulag sa pamamagitan ng pagbalik ng kaniyang paningin at liniwanagan siya tungo sa katotohanan. Masusuri natin na nakilala niya si Hesus bilang isang Mesiyas at sinamba niya si Hesus, at iyon ay ang sukdulang destinasyon ng ating espirituwal na paglalakbay. Ito ang larawan ng binyag, sa pamamagitan ng tubig na ibinuhos sa ating ulo, tayo’y niliwanagan ng liwanag ni Hesus at tayo’y naging kapamilya sa sambahayanan ng Diyos. Tayo’y niliwanagan sa katotohanan at ang presensya ng Espiritu Santo ay nanahan sa ating puso. Samakatuwid, para maranasan natin ang liwanag ni Hesus, tayo ay dadaan sa karanasan mula sa ating pagkabulag hanggang sa pagkaliwanag ng buhay. Ito ay nagdadaaan sa isang proseso na nagdadalisay sa ating pananalig sa Diyos at para ilabas natin ang totoo nating pagkatao.


Ikatlo ay ang tema ng paghayag.  Ang liwanag na sumasaatin ay naguudyok sa atin na ihayag ito at mabuhay bilang mga anak ng Diyos. Sa pagbibigay ng Diyos sa atin ng bagong panignin, tayo ay inaanyayahan na ibahagi ito sa iba. Habang patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataon para mabuhay sa liwanag, hayaan nating dumaloy ang liwanag ni Hesus sa atin sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at paghayag ng mabuting balita ng Diyos sa ibang hindi nakakilala sa Kaniya nang sa gayon ay mabuhay tayo nang may kasiya-siya at may kaganapan. Binigyan tayo ng Diyos na pagkakataon para makilala siya, huwag sana nating ipawalang bahala ang ating relasyon sa kaniya, sa halip, paigtingin natin ito sa pamamagitan ng panalangin.


Samakatuwid, salubulungin natin ang liwanag ni Kristo at mamuhay bilang anak ng Diyos, hayaan nating silayan tayo ng liwanag ng Diyos. Mamuhay tayo sa liwanag ni Kristo, mulat sa katotohanan, mulat sa kasalanan. Sa kabila ng ating pagdurusa rito sa lupa, ang Ebanghelyo natin ay nagpapaalala na ang ating pananalig ay lumalalim sa ating karanasan ng pighati at kahirapan ng buhay. Ito ay maaaring umakay sa atin sa mas malalim na pananaw ng buhay, sa mas malalim na pagkilala kay Hesus at sa tunay na pagsamba sa Kanya.

Popular Posts