Led by the Spirit
First Reading: Gn 2:7-9; 3:1-7
Responsorial Psalm: Ps 51:3-4, 5-6, 12-13, 17
Second Reading: Rom 5:12-19
Gospel: Mt 4:1-11
Theme: Disyerto, Tukso, Engkwentro
Ang panahon ng Kwaresma ay isang
paghahanda ng sarili para sa muling pagkabuhay ni Hesus. Sa pagsisimula ng unang Linggo ng Kwaresma tayo ay sinasamahan ng Espiritu Santo sa ating paglalakbay mula sa pagpapakahirap na dinanas ni Hesus tungo sa Kanyang muling pagkabuhay. Ang mga pagbasa natin ngayon ay nag-uudyok sa atin ng iba't ibang katotohanan na ating mapagninilayan. Atin itong sariwain sa pamamagitan ng Salita ng Diyos na nangungusap sa bawat isa sa
atin. Kaya naman, ating pagnilayan ang mga pangyayari sa Ebanghelyo natin
ngayon na kung saan si Hesus ay tinukso ng Diyablo sa ilang.
Ang unang pangyayari ay dinala ng Espiritu si Hesus sa Disyerto. Bago ang pangyayaring ito, si Hesus ay bininyagan sa Ilog Jordan na kung saan ipinamalas sa publiko kung sino Siya, siya ay ang Bugtong Anak ng Diyos. Kalakip nito ay ang kanyang misyon na siya ay mamatay para sa kasalanan ng sanlibutan, Siya ay ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Samakatuwid, pumunta Siya sa ilang para manalangin at pagnilayan ang misyon na "ipangaral sa mga mahihirap ang Mabuting Balita, palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon." Ito ang Kanyang misyon sa Kanyang pagkahirang bilang Bugtong na Anak ng Diyos. Ito ay nagpapaalala sa atin na tayo'y bumalik sa Diyos. Ang mga monghe at ermitanyo ay pumipili ng isang espasyo ng disyerto, tayo naman ay pumili ng kahit oras ng disyerto. Bumalik tayo sa Diyos, ang Kwaresma ay okasyon na binigay ng Simbahan para tayo ay magkaroon ng oras sa disyerto ng ating puso upang manalangin. Pumasok tayo sa kaibuturan ng ating puso na kung saan si Hesus at nananahan, gaya ng sinabi ni San Agustin, "Christ dwells in man’s interior." Si Kristo ay naninirahan sa kalooban ng tao.
Ang pangalawang pangyayari ay tinukso si Hesus ng Diyablo. Ang Diyablo ay totoong nilalang, kung gaano katotoo ang Diyos gayon din ang Diyablo. Ang bibliya simula noong una ay palagi nang binabanggit ang Diyablo na siyang tumutukso sa mga tao at naglalayo sa Diyos. Sa ating unang pagbasa, nakasaad ang kwento ng ating unang magulang, sina Eba at Adan na kung saan sila ay tinukso ng ahas o ng Diyablo. Si Satanas ay ang ating kalaban, ang ama ng kasinungalingan at gagawin niya ang lahat para tayo ay mapalayo sa Diyos. Binaluktot ng Diyablo ang sinabi ng Diyos sa kanila, na ang punong nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama ay hindi nakamamatay. Sa kasamaang palad, sila ay bumigay sa tukso ng Diyablo. Dahil sa kanilang pagbigay sa tukso ng Diyablo, tayo ay nagkaroon ng orihinal na kasalanan na nagpapahiwatig na ang kasalanan ay nakaaapekto sa buong lipunan. Ika nga, "Ang sakit ng kalingkingan, ay sakit ng buong katawan." Ang kasalanan kahit gaano man ito ka-pribado o sikreto ay nakaaapekto sa buong katawan ni Kristo. Hindi kasalanan ang tukso subalit kung tayo ay magbibigay dito, iyan ay isang ganap na pagkakasala. Bakit pinapahintulot ng Diyos na tayong tuksuin ng Diyablo? Ito ay para dalisayin ang ating pananampalataya sa Diyos at upang maipakita natin ang ating tunay na disposisyon. Ang pagtukso ng diyablo ay nangangahulugan na tayo ay mas makapangyarihan kaysa sa ating napagtanto, dahil kay Kristo. Kaya kapag tayo ay tinukso, dapat tayong tumawag sa kanyang kapangyarihan, sa kanyang Ina at sa mga banal na anghel, upang tulungan tayo.
Sa mga pangyayaring ito, ating mauunawaan na kailangan natin ang Diyos na Siyang tutulong sa ating mga pagsubok sa buhay. Sinagot ni Hesus ang mga Diyablo sa pamamagitan ng salita ng Diyos na tumulong sa Kaniya para talunin ang mga tukso ng Diyablo sa Disyerto. Ang Disyerto ay isang mainit at malawak na lugar, kahit ganoon, ito ay maaaring lugar ng panalangin, ito ay maaaring maging isang makabuluhang engkwentro, isang karanasan ng pagmamahal ng Diyos na kung saan Siya ay naghihintay sa atin para makapiling kasama Siya. Mula rito, ating matutunghayan ang bukal ng ating misyon at layunin ng ating buhay. Si Hesus ay naghihintay sa atin sa disyerto: huwag natin Siyang pabayaan sa panahong ito.